Nakahanda na umano si dating Philippine National Police comptroller Eliseo Dela Paz na isuko ang kanyang sarili sa Senado matapos magpa dala ng “surrender feelers” kay Sen. Panfilo Lacson.
Sinigurado ni Lacson na darating ngayong araw o hanggang bukas si dela Paz na nagdesisyong sumuko matapos magpalabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Senado dahil sa kabiguang dumalo sa hearing noong nakaraang buwan kaugnay sa P6.9 milyong binitbit nito sa Russia noong dumalo sa Interpol assembly.
“Nagpasabi na nandito siya either tomorrow (ngayon) or Friday,” sabi ni Lacson kahapon.
Masyado lamang umanong malayo sa Maynila ang kinaroroonan ni dela Paz kaya nahihirapan itong makapunta kaagad sa Senado.
Napaulat na sinabi ng kanyang abogadong si Atty. Noel Malaya na wala sa Maynila si dela Paz at marahil ay nasa mga kamag-anakan niya ito sa La Union.
Pero nilinaw ni Malaya na hindi nagtatago ang kaniyang kliyente at anu mang oras ay magtutungo na ito sa Senado sa oras na makabalik sa Maynila galing sa importanteng nilakad nito sa probinsya.
Kung darating umano ngayon si Dela Paz, posibleng sa Biyernes na isasagawa ang hearing.
Sinabi naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na ipapa-subpoena rin nila para dumalo sa hearing ang negosyanteng sinasabing nagpadala ng malaking halaga ng salapi kay dela Paz upang magpabili ng relo.
Pero naniniwala si Lacson na hindi tama para sa isang two-star general na katulad ni dela Paz na utusan ng isang negosyante na bumili ng relo sa ibang bansa.
“That’s very improper for a two star general to be doing errands para sa isang businessman o isang kaibigan na sibilyan tapos ganoong kalaking pera, medyo hindi proper,” sabi ni Lacson,
Tiniyak din ni Lacson na sakaling sa labas makipagkita sa kanya si dela Paz ay agad niya itong dadalhin sa Senado.
Nag-iingat din umano si dela Paz dahil nangangamba rin ito sa kanyang kaligtasan.
Inutusan na kahapon ni Santiago ang Bureau of Immigration na ilagay si dela Paz sa watchlist upang masiguradong hindi makalabas ng bansa.
Isang sulat ang ipinadala ni Santiago kay BI Commissioner Marcelino Libanan kung saan ipinaaalam nito na nagpalabas na ng isang warrant of arrest ang Senado laban kay dela Paz.
Samantala, nabigo naman si dela Paz sa kahilingan nito sa Korte Suprema na kaagad na ipatigil ang pagdinig ng Senado.
Ayon kay Atty. Midas Marquez, tagapagsalita ng Supreme Court, inatasan lamang ng Korte ang Senado na maghain ng komento sa loob ng 10-araw tungkol sa naturang petition ni dela Paz sa halip na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO).