Tiniyak ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na walang karagdagang babayaran ang mga OFWs sa sandaling maisakatuparan ang panukalang “mandatory psychiatric exams” sa mga ito bago umalis ng bansa.
Ayon kay POEA Administrator Jennifer Manalili, mayroon silang direktiba para sa hindi paniningil ng fees sa mandatory tests kung ito ay maipapatupad.
Sinabi rin ni Manalili na sa halip na bumuo ng bago at hiwalay na test, ia-update na lamang ng POEA ang kanilang kasalukuyang “psychological test component”.
Hinihingi na rin aniya nila ang tulong ng National Center for Mental Health at ng Bureau of Health Facilities and Services ng Department of Health (DOH) para rito.
Ayon kay Manalili, aalamin muna ng POEA ang kahandaan ng isang tao na idedeploy sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagsukat ng kasalukuyang “state of mind” nito.
Kung mayroon aniyang alinlangan o may makitang problema doon na kakailanganin isalang sa 2nd level ng test.
Una nang ipinanukala ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mandatory psychiatric o psychological tests, sa mga OFWs.
Para malaman kung maayos ba ang “coping mechanism” ng isang papaalis na manggagawa. (Doris Franche)