Itinanggi kahapon ng Office of the Ombudsman na naglabas sila ng order na nag-uutos kay Valenzuela City Mayor Sherwin “Win” Gatchalian na bumaba bilang alkalde ng lungsod dahil sa kasong isinampa laban dito ng isang construction firm.
Nakasaad sa sulat na nilagdaan ni Dominga B. Barasi, hepe ng central records division ng Ombudsman, pinabulaanan nito na may ipinalabas silang susension order laban kay Gatchalian.
Kamakailan ay nalathala sa ilang pahayagan ang tungkol sa pagsususpinde kay Gatchalian bilang alkalde ng lungsod dahil sa kasong isinampa ng R. C. Ramos Construction Corp. sa hindi umano pagbabayad ng balanse sa kontratang inabutan ng alkalde nang maupo ito noong 2004.
Sa executive summary ng Office of the Ombudsman, tama at legal ang naging aksiyon ni Gatchalian at ang dapat na mag-ayos ng usapan ay ang R. C. Ramos Construction at si dating Mayor Emmanuel “Bobbit” Carlos dahil ang kontrata ay noong panahon pa ng panunungkulan ng huli. (Butch Quejada)