Hindi dapat tumatanggap ng anumang tulong mula sa Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kung babatikusin din lamang ito.
Ito naman ang binigyan-diin ni Bishop Emeritus Teodoro Bacani sa panayam ng Radio Veritas kahapon kasabay ng pahayag na may polisiya na hindi dapat tumanggap ng anumang donasyon mula sa Pagcor ang CBCP dahil na rin sa ginagawang pagbatikos dito.
Aniya, hindi magandang tignan na binabatikos ang Pagcor samantalang patuloy naman ang pagtanggap nito ng donasyon o tulong sa Simbahan.
Dahil dito, dapat umanong gumawa ang CBCP ng malinaw na pag-aaral mula sa moral at pastoral point of view at ilahad kung ano ang mga negotiable at non-negotiable tungkol sa sugal.
Iginiit ni Bacani na malinaw umano sa Katekismo ng Simbahang Katoliko na hindi naman masama ang sugal subalit nagiging masama lamang dahil sa ilang pangyayari.
Bukod dito, sinabi ni Bacani na hinihingi niya sa CBCP na sabihin kung kailan tama at kung kailan puwede ang sugal.
Mahirap umanong gumawa ng blanket condemnation subalit hindi naman kayang pairalin. (Doris Franche)