Kinilala ni Liberal Party President at Senador Franklin Drilon ang dalawa na sina Congressman Jurdin Jesus "JJ" Romualdo at ama nitong si Pedro Romualdo ng Lakas-CMD na isang dating gobernador sa Camiguin.
Sinabi ni Drilon na ang mag-amang Romualdo ay nambugbog umano kay Atty. Florencio Narido Jr., residente rin ng naturang lalawigan at abogado ng kandidatong gobernador na si Antonio Gallardo ng LP.
Sinasabi ni Narido sa kanyang reklamo sa pulisya na paalis na siya sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections sa Poblacion, Mabajao nang komprontahin at pagtulungan siyang suntukin at sipain ng mag-amang Romualdo.
Tumulong pa umano sa pambubugbog sa kanya ang tatlo pang katao na nakilala namang sina Dandin Romualdo, Toping Rodriguez, di umano’y reporter ng Bombo Radio sa Camiguin, at Zequel Gapatan.
Natigil lang ang pambubugbog kay Narido nang dumating ang provincial election officer na si Mariano Aparie.
Kaugnay nito, hiniling ni Drilon sa Comelec na idiskuwalipika ang batang Romualdo na kumakandidatong muli sa pagka-Kongresista. Pinagharap din ng kaso ang mag-ama. (Joy Cantos)