Pagbabalik ni Yap sa DA ok sa local execs

Tanggap ng mga lokal na opisyal ang pagbabalik ni Secretary Arthur Yap bilang pinuno ng Department of Agriculture upang lalong mapasigla ang programa ng Arroyo government.

Ayon kay Nueva Vizcaya board member Teodorico Padilla Jr., general-manager ng Nueva Vizcaya agricultural terminal cooperative, malaki ang kanilang paniniwala na maitutuloy ni Sec. Yap ang kanyang mga programa sa agricultural sector ngayong nakabalik na ito sa DA.

Ani Padilla, kailangan ng DA ang isang energetic na pinuno lalo na sa pagpapatupad ng mga agri-programs na kinakailangan niyang personal na mapangasiwaan lalo sa mga uplands tulad din sa Northern Luzon. Dinagdag pa nito na mas madali ring maipapatupad ang mga programa sa Northern Luzon triangle partikular sa agri-sector ngayong si Yap muli ang namumuno sa DA.

Maging si La Trinidad, Benguet Mayor Nestor Fongwang ay positibo na lalong mapapabilis ang paghahatid ng programa sa mga magsasaka sa pagbabalik ni Yap sa DA at maitutuloy na nila ang kanyang naiwang programa para lalong mapatatag ang agricultural sector. (Rudy Andal)

Show comments