‘Sigaw’ bow sa SC ruling

Nirerespeto ng Sigaw ng Bayan at Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang naging desisyon ng Korte Suprema sa People’s Initiative bagamat iginigiit nila na ang kanilang ipinaglalaban sa mga mahistrado ay ang ligalidad at katotohanan ng petisyon ng 6.3 million verified voters nationwide na iniharap nila noong Agosto 25.

Sinabi ni Atty. Raul Lambino, spokesman ng Sigaw ng Bayan at ULAP na pinamumunuan ni Bohol Gov. Eric Aumentado, handa silang magsumite ng kanilang memoranda bago ang 15-araw na palugit na ibinigay ng High Tribunal. "We already have in possession all pertinent documents proving that the current People’s Initiative drive is both legal and authentic – and represents the genuine clamor of our people for a systemic change," paliwanag niya.

Minaliit din ng Sigaw ng Bayan ang iprinisintang argumento ni Sen. Joker Arroyo na hindi umano nakuha nito ang 3% lagda ng mga botante sa ilang distrito ng Davao at General Santos City.

Iniharap nina Lambino at Aumentado ang petisyon sa Comelec noong Agosto 25 sa ngalan ng may 9 million signatories, kung saan 6.3 million dito ay pinatunayan ng city at municipal Comelec registrars bilang registered voters sa buong bansa.

Sinabi ni Lambino na isusumite nila sa SC ang kopya ng mga certifications na ini-issue ng mga election officers sa naturang mga lalawigan kasama na ang kanilang memoranda. (Grace dela Cruz)

Show comments