12-M Pinoy nagugutom

Inamin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 12 milyong Pinoy na sa kasalukuyan ang nagugutom. Ang nakakaalarmang rate ng malnutrisyon sa bansa ay base sa pag-aaral na isinagawa ng National Nutrition Council.

Ipinaliwanag ni Lualhati Pablo, officer-in-charge ng DSWD, sa pagdinig ng House committee on appropriations na ang napakalaking bilang ng mga Filipino na nagugutom ang ginagawang batayan ng DSWD sa kanilang supplemental feeding program na nagkakahalaga ng P200 milyon.

Ayon pa kay Pablo, ang P200-M program ay ipatutupad sa pakikipagtulungan ng Department of Education kung saan kabilang sa mga binibigyan ng pagkain ay ang mga bata sa mga pampublikong paaralan. Nakapaloob sa programa ang pagpapakain sa mga malnourished na bata sa 2,170 barangay sa iba’t ibang rehiyon sa bansa na isinasagawa limang araw sa loob ng isang linggo.

Samantala, plano ng DSWD na ipagbili ang 101-ektaryang lupa ng ahensiya sa Mandaluyong City na inaasahang mabebenta ng P13 bilyon. Ang 29 ektarya ng lupa ay gagamitin sa socialized housing ng nasa 18,000 pamilya at ang natitirang 72 ektarya ay idi-develop bilang commercial area. (MRongalerios)

Show comments