Dakong alas-12:10 kaninang madaling araw ay sinimulan ng Petron ang 60 sentimos na rollback sa presyo ng kanilang gasolina, diesel at kerosene kada litro at piso naman kada kilo o P11 kada tangke sa kanilang Liquified Petroleum Gas (LPG).
Ayon kay Virginia Ruvivar, tagapagsalita ng Petron, hangarin ng nasabing rollback ay mabawasan ang magiging epekto ng EVAT sa kanilang mga customers.
"The price cuts aims to steam the average increase of E-VAT laced petroleum products which down to 4.9 percent instead of the projected 10 percent this year," dagdag pa ni Ruvivar.
Aniya, patuloy din ang pagbibigay nila ng pisong diskwento sa mga driver ng pampasaherong bus at jeepney.
Samantala, sinabi naman ni Energy Sec. Raphael Lotilla na maliit umano ang magiging epekto ng EVAT sa mga produktong petrolyo taliwas sa inaasahan ng mga motorista.
Sinabi ni Sec. Lotilla, bahagya lamang ang magiging pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo subalit wala pa silang mailahad na numero habang hindi pa natatapos ang kanilang bagong computation.
Aniya, upang hindi naman lubhang maapektuhan ang publiko ay inalis na nila ang ipinapataw na excise tax sa mga oil products upang lumambot ang magiging epekto ng EVAT. (Edwin Balasa)