Ayon kay Gonzalez, ang milyon-milyong salapi ay ipinalabas umano ni dating Budget Sec. Emilia Boncodin noong mga buwan ng Abril at Mayo sa mga party-list group congressmen gaya ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na tumanggap umano ng P10 milyon. "She release more fund and faster to the leftist which are not enjoyed by the other regular members of Congress," ani Gonzalez.
Anang kalihim, malaki ang diperensiya ng halagang inire-release ni Boncodin sa Poverty Development Assistance Fund (PDAF) ng mga opposition congressmen.
Ani Gonzalez, ang pondo mula sa PDAF ng mga kongresista ay ipinalalabas nang cash para magamit sa mga proyektong isinumite ng mga ito na inaaprubahan naman ng DBM sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Special Allotment Release Order (SARO). Ang basehan ng DBM sa pagbibigay ng SARO ay kung ito ay alinsunod sa itinakdang "menu" ng DBM para sa mga proyektong popondohan nito. Binigyang-diin ng DOJ chief na hindi niya inaakusahan si Boncodin. Nais lamang niyang iparating dito ang pagkakapansin ng malaking disparity sa ginawa nitong pagpapalabas ng pera sa pagitan ng opposition at administration congressmen. (Ulat ni Grace dela Cruz)