Ayon kay Chito Villavicencio, may-ari ng Flying V, naglaan sila ng paunang P25 milyon upang makagawa ng may 128 pabahay para sa dami rin ng bilang ng mga tsuper sa ibat ibang transport group.
Ang programa ay inilunsad sa Valle Verde sa lungsod ng Pasig matapos ang pagpirma ng memorandum of agreement (MOA) ng mga opisyales ng Flying V kasama ang mga lider ng ibat ibang transport group na pinangungunahan ni Phil. Confederation of Drivers Organization Alliance of Concerned Transport Operators (PCDO-ACTO) president Efren de Luna.
Ayon pa kay Villavicencio, bukod sa pabahay na itatayo nila sa Ynares Village sa Bgy. Pinugay, Antipolo City ay magkakaroon din ng pangkabuhayan ang mga tsuper na ibibigay naman ng ilang mga pribadong grupo sa Antipolo City.
Kabilang sa mga itatayong pangkabuhayan ang mga gasolinahan, repair shop, restaurant at retail shops na patatakbuhin ng mga operatiba ng mga tsuper.
"Pinagsama namin ang pabahay at pangkabuhayan para may pambayad ang mga drayber sa bahay nila at umunlad ang buhay nila, pag umunlad ang drayber hindi na sila magwewelga," pahayag pa ni Villavicencio. (Ulat ni Edwin Balasa)