Ayon kay House Minority Leader Carlos Padilla, simula kahapon ay naglaan ng P100,000 reward ang kanilang grupo at dadagdagan ang halaga ng P100,000 hanggang umabot ito sa P1 milyon.
Sinabi ng mambabatas na ang pabuya ay kukunin nila sa pondo ng minority group. Makukuha ang reward ng sinumang makapagtuturo kay Pidal sa opisina ng minority leader sa Batasang Pambansa complex, Diliman, QC.
Si Pidal na may address na 8th flr. LTA bldg., 118 Perea st., Legaspi village, Makati City ang siyang may-ari umano ng P167-milyong account sa Union Bank.
Ani Padilla, kung hindi lulutang si Pidal ay lalabas na totoo ang mga inihayag ni Lacson na fictitious lamang ang nasabing pangalan bagaman at may milyun-milyong ari-arian sa bangko. (Ulat ni Malou Rongalerios)