Ayon kay Minority Floor Leader Carlos Padilla, isang isyu ng command responsibility at "breach of security" ang naganap na pagkakapuga ng tatlo kaya dapat lamang sibakin sina Ebdane at Lina.
Hindi aniya dapat isisi lamang sa "maliliit o small fry" na pulis ang pagkakatakas ng tatlo at kung may dapat mang managot sa insidente, itoy walang iba kundi si Ebdane at Lina, na may kontrol sa PNP bilang hepe ng DILG.
Nanawagan kahapon si Sen. Ramon Magsaysay Jr. kay Ebdane na magbitiw na lamang ito sa kanyang tungkulin kapag nabigo itong muling maaresto sa loob ng 72-oras si Al-Ghozi na bomb expert ng Jemaah Islamiyah at dalawa pa.
Bunga nito, isinuhestiyon ni Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada kay Pangulong Arroyo na magsagawa ng top-to-bottom reorganization sa PNP at ibigay sa mas kuwalipikadong pulis ang posisyon.