Sa kanyang pagpunta kahapon sa DFA, humingi ng dispensa si Ambassador Takano at ipinaliwanag na ang lahat ng binitiwan niyang statement ay mula sa personal nitong opinyon at walang intensiyon umano na banatan ang pamahalaan.
Pinatawad naman ni acting Foreign Affairs Secretary Franklin Ebdalin si Takano pero pinaalalahanan na bilang isang diplomat hindi kabilang sa kanyang trabaho ang magbigay ng kritisismo sa Pilipinas.
Nasaktan si Pangulong Arroyo sa pahayag ni Takano sa pulong ng Foreign Correspondents Association of the Philippines sa Mandarin Hotel noong Huwebes, kung saan sinabi ng diplomat na sa loob ng isang taon niyang pananatili sa bansa ay hindi siya makatulog dahil nangangamba siya sa kanyang seguridad.
Ang mga mamamayan anyang Hapones ay biktima rin ng pangingidnap kung kaya lagi niyang pinapayuhan ang mga Hapones na bumibisita sa bansa na maging maingat.
Sinabi din ng Japanese envoy na kaya umano natatakot magpunta ang mga Japanese investors dito sa bansa ay dahil sa kawalan ng seguridad sa mga mamumuhunan at laganap ang kidnapping.
Gayunman, hiniling ni Senator Manuel Villar na ideklarang persona non grata si Takano. Ani Villar, kung hindi nakakatulog si Takano sa pananatili nito sa ating bansa ay mabuti pang umuwi na lamang siya sa Japan.
Maghahain si Villar ng isang resolusyon sa susunod na linggo na humihiling sa DFA na ideklarang persona non grata si Takano.
Pero para kina Senate President Franklin Drilon at Sen. Ramon Magsaysay Jr. ay dapat magsilbing panggising sa ating gobyerno partikular sa economic dream team ng Arroyo government at sa ating militar ang pananaw ng Japanese envoy tungkol sa negatibong kalagayan ng ekonomiya at peace and order ng bansa.
Nataranta ang Malacañang sa naging pahayag na ito ni Takano dahil ang Pangulo ay nakatakdang bumiyahe sa Japan sa Hunyo 4-6 para makipagpulong sa mga Japanese businessmen. (Ulat nina Lilia Tolentino/Rudy Andal/Ellen Fernando)