Natagpuang nakabitin gamit ang isang nylon cord sa loob ng kanilang bahay kinaumagahan ang biktima na kinilalang si Judge Arnel Peralta, presiding judge ng Panique Municipal Trial Court.
Tinangkang iligtas ang hukom ng kanyang asawang si Teresita at isinugod sa pinakamalapit na ospital subalit idineklara itong dead-on-arrival.
Inalis ng Tarlac Provincial Police Office ang posibilidad na may foul play sa insidente at ang pagkasawi umano ng huwes ay isang "plain suicide" bagamat napag-alaman na may mga death threats ang huli.
Nauna sa insidente, dinakip si Peralta ng NBI agents sa isinagawang entrapment operation matapos na maaktuhang tumatanggap ng marked bribe money na P10,000 kay Dra. Luz Imelda Macaraeg, anak ni dating Moncada mayor Wilfredo Macaraeg sa loob ng kanyang tanggapan.
Ang umanoy extortion ay isinagawa sa pamamagitan ng isang Jaime Cuchapin, dating security guard ng Panique Municipal Hall upang magpalabas ng desisyon ang nasabing hukom na pumapabor kay Dra. Macaraeg mula sa kinasasangkutan nitong slander case.
Sinampahan ni Atty. Florencio Binalay, pinuno ng NBI Provincial Office na nakabase sa lalawigang ito si Peralta ng kasong kriminal dahil sa direct extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. (Ulat ni Benjie Villa)