Sa inisyal na report na nakuha kay Narcom Director Gen. Efren Fernandez, dakong alas-3:30 ng hapon ng isagawa ang pagsalakay ng mga awtoridad sa naturang bodega kung saan tinambak umano ang 100 kilo ng shabu na inihalo sa ibang kargamento tulad ng mga sigarilyo.
Lulan umano ng dalawang fishing vessels ang mga kontrabando na ipinasok sa warehouse no.1026 ng NSD. Dito napag-alaman na naka-consigne ang mga kargamento sa kumpanyang Everich.
Ginagalugad ng mga awtoridad kasama ang dalawang drug sniffing dog ng Narcom ang naturang warehouse kung saan ay may nakitang mga "trace" ng naturang droga at ng makalanghap umano ang dalawang sniffing dog ay bigla umanong nagsuka ang mga ito.
Hinihinala na ginagamit umanong bagsakan ng droga ang nasabing lugar, pero agad itong pinabulaanan ng mga opisyal dito at di anya nila pinapayagan ang ganitong modus operandi.
Tatlo sa 14 na mga suspek ang inaresto at kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon. (Jeff Tombado)