Kinumpirma ni National Security Adviser Roilo Golez ang insidente ay kasalukuyan nang sinisiyasat ng militar kung sino ang may kagagawan ng pamamaril, pero tumanggi ito na tukuyin kung mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang nasa likod nito bilang protesta sa RP-US joint military exercise.
Nabatid na sunud-sunod na pinagbabaril ang naturang US aircraft isang oras matapos umalis sa Clark Air Base sa Pampanga dakong alas-6 ng gabi noong nakaraang Miyerkules. Habang lumilipad sa taas na 1,000 talampakan ay tinira ito ng M-14 armalite rifles kung saan isa sa pinakawalang bala ay kamuntik nang tumama sa isang crew nito.
Ayon kay Jaime Yambao, executive director ng Presidential Commission on Visiting Forces Agreement, ang paglipad ng nasabing US plane ay bahagi ng isinasagawang "Balance Piston" military exercise kung saan may 300 US Navy SEALS, Army at Air Force ang lumahok dito upang mag-ensayo sa larangan ng "rescue operations." Ito ay ginaganap sa Clark, Subic sa Olongapo City ; Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at sa Ternate, Cavite. (Ulat nina Lilia Tolentino/Joy Cantos at Rose Tamayo)