Ang manipesto na may lagda ng 71 opisyal ng YOU ay nagsasaad na patay na ang YOU at hindi na dapat pang buhayin. "Dapat na ninyo itong pagpahingahin."
Ayon kay Major Gerry Amante, binuwag na nila ang YOU bilang isang organisasyon pagkaraang lumagda ng isang peace agreement sa pamahalaan noong Oktubre 1995.
Itinakwil na rin nila ang mga kudeta at paggamit ng karahasan bilang isang pamamaraan sa pagbabagong pulitikal sa bansa.
Bagaman nasa kanilang puso ang pagnanais ng reporma at pagbabagong panlipunan, gumagawa sila ng pagsisikap para sa ikatatamo ng mithiing ito nang naaayon sa alituntunin ng chain of command at sa abot ng kanilang kakayahan at responsibilidad.
"Hindi kami nagbabalak pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon. Hindi kami bahagi ng anumang planong kudeta at destabilisasyon," pahayag ng manipesto.
Pinasalamatan naman ng Pangulo ang mga key officers ng YOU at umaasang ang manipestong kanilang ibinigay ang tatapos sa coup rumors. (Ulat ni Lilia Tolentino)