Sinabi ni Sen. Barbers na dapat nang i-terminate ang pag-iimbestiga dahil walang matibay na basehan at hindi rin umano masuportahan ni Pacifico Marcelo ang kanyang alegasyon laban kay Pangulong Arroyo.
Dahil dito, sinabi ni Barbers na dapat na lamang ilipat ang atensiyon ng komite na pinangungunahan ni Sen. Joker Arroyo sa paghaharap ng kasong perjury dahilan sa pawang kasinungalingan lamang ang mga naunang pahayag ni Marcelo.
Maging si Senador Arroyo ay naniniwala na dapat nang tapusin ang pagsisiyasat dahilan sa matapos niyang isailalim ang testimonya ng mga testigo, walang nakitang matibay na ebidensiya na magsasabit sa Pangulo.
Kinontra naman ito ni Sen. Edgardo Angara sa pagsabing hindi dapat isara kaagad ang imbestigasyon sa franchise deal na kinasasangkutan ng Pangulo. Wala umanong karapatan si Arroyo na tapusin kaagad ang pagsisiyasat sa ibinulgar ni Marcelo dahil hindi lamang ito ang kasapi ng komite at dapat nitong konsultahin muna ang lahat ng miyembro nito.
Sinabi ni Angara na dapat na intindihin ni Arroyo na hindi niya pag-aari ang komite at dapat na gumawa na lamang ito ng rekomendasyon bago ito kumilos na naayon sa kagustuhan ng mga miyembro at hindi nang sarili nitong pagpapasya.
"No chairman of any Senate committee can just announce that a hearing is terminated. This is a collegial body, so I suggest that if he does that, he must convene the blue ribbon committee," sabi ni Angara. (Ulat ni Rudy Andal)