Ayon kay UAE Ambassador Amable Aguiluz, kinumpirma ng Al Wathba Central Prison authorities na binigyan ng amnestiya ni UAE President Sheikh Zayed bin Sultan Al Nahyan ang mga Pinoy na sina Rolando Pacleb, Divina Sebes at Maricar Colobong.
Si Pacleb ay nahatulan ng Abu Dhabi court dahil sa kasong pagnanakaw ng 63,000 piraso ng phone cards sa ETISALAT, isang telecommunication company sa UAE, habang sina Sebes at Colobong ay nahatulang makulong ng tatlong taon sa kasong paggamit ng shabu.
Nabatid na isang kaibigan ni Pacleb ang siyang magbibigay ng plane ticket para sa una upang makauwi ito ng Pilipinas, samantala ang dalawang Pinay ay humihiling naman sa Embahada ng Pilipinas sa UAE na tustusan ang kanilang repatriation.
Sinabi ni Aguiluz na aabutin sa US$660 (P33,000) ang halaga ng plane ticket ng dalawa.
Bagamat may nakalaan na US$443 para sa standby repatriation funds ay kulang pa ito sa kakailanganing halaga nina Sebes at Colobong.
Dahil dito, nanawagan si Aguiluz sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mag-ambag para makahanap pa ang Embahada ng $2,000 para sa standby repatriation funds. (Ulat ni Ellen Fernando)