3-man panel sisiyasatin si Sen. Lacson

Bumuo kahapon ng 3-kataong panel ang tanggapan ng Ombudsman upang siyasatin ang mga alegasyong may secret bank deposit si Senador Panfilo Lacson na nagkakahalaga ng mahigit $700 milyon.

Ayon kay Deputy Overall Ombudsman Margarito Gervacio, ang panel ay pangungunahan ni Atty. James Viernes at dalawang iba pa na hindi pa pinangalanan.

Binigyan ang investigative panel ng 30-araw para tapusin ang imbestigasyon sa paratang ni Col. Victor Corpus, hepe ng AFP Intelligence group na si Lacson ay tumabo ng limpak-limpak na salapi mula sa droga, kidnap-for-ransom at iba pang ilegal na aktibidad.

Ayon kay Corpus, ang naturang malaking halaga ay naka-deposito sa mga sangay ng Citibank sa US, Canada at Hong Kong.

Kaugnay nito, tinanggap kahapon ni Corpus ang hamon ni Lacson na i-withdraw ng una ang sinasabi niyang salapi at nag-alok ng special power of attorney upang maisagawa ito.

Sa panayam kay Corpus, sinabi nito na tinatanggap niya ang hamon ni Lacson sa kondisyong bibigyan din siya ng waiver upang malayang mabusisi ang lahat ng bank account ng senador.

Sinabi ni Corpus na kailangan ito dahil madali nang mailipat ang kinukuwestiyong bank account sa pamamagitan ng e-banking.

Sinabi naman ni Lacson na hindi na kailangang magpalabas ng waiver para mabusisi ni Corpus ang mga bank accounts umano nito dahil sapat na ang special power of attorney.

"Nasa SPA na ang lahat ng kailangan niya para lubusang makalkal ang katotohanan sa sinasabi niyang mga bank accounts ko sa US, Canada at HK kaya wala na siyang mahihiling pang iba," wika pa ni Lacson.

Naniniwala naman si Corpus na walang mangyayari sa special power of attorney dahil posible umano na inilipat na ni Lacson ang mga nabunyag niyang bank accounts sa iba pa nitong hindi pa nahahalungkat na bank accounts. Ito ay magagawa umano ng senador sa loob lamang ng ilang segundo at minuto dahil na rin sa makabagong teknolohiya.

Maging sina dating Pangulong Estrada at Sen. Loi Estrada ay hinamon din ni Corpus na magsumite ng waiver of authority.

Pinaalalahanan naman ni Lacson ang Pangulo na paggamit ng pondo ng pamahalaan para tiktikan ang oposisyon sa kanyang administrasyon ang nagpatalsik sa White House kay US President Richard Nixon dahil sa Watergate scandal noong 1970s. (Ulat nina Grace Amargo,Joy Cantos at Rudy Andal)

Show comments