Sa 1,122 mga kumuha ng pagsusulit, 49% ang pumasa na mas mataas kumpara sa 30% nakapasa sa parehong pagsusulit na ibinigay sa ating bansa.
Pinapurihan naman ni DECS Secretary Raul Roco ang mga pumasa dahil sa kanilang pagsisikap na paunlarin pa ang sarili kahit malayo sa kanilang mga pamilya.
Bilang pagkilala, inaanyayahan ni Roco ang mga ito na mag-apply bilang mga bagong guro sa DECS para mapunan ang nararanasang kakulangan ngayon sa mga paaralan kung saan patuloy na dumadami ang mga mag-aaral na umaabot ngayon sa 18 milyon.
Kasalukuyang nangangailangan ang kagawaran ng may 80,000 mga bagong guro para mapaluwag ang teaching load ngunit may 5,000 guro lamang umano ang inilaan ng Senado para ngayong taon base sa inaprubahang budget para sa kanila.
Sa kabila nito, sinabi ni Roco na maglalaan pa rin siya ng mga posisyon sa 6,000 puwesto para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na pumasa sa pagsusulit kung babalik ang mga ito ng bansa at magdesisyong magturo.
Una nang nabatid na nagsisilipatan ang mga pribadong guro sa mga pampublikong paaralan dahil mas malaki ang suweldo na natatanggap ng mga ito.
Umaabot ng P9,000 ang nakukuha ng mga pampublikong guro bukod pa sa mga bonuses na pinaplanong ibigay ni Roco kumpara sa P7,500 na sinasahod ng private teachers. (Ulat ni Danilo Garcia)