Nakilala ang inarestong si Amdak Jamah, isang aktibong miyembro ng ASG na nakabase sa lalawigan ng Sulu.
Nauna rito, isang mataas na opisyal sa Malakanyang ang nagsabi na dalawa nang miyembro ng Abu Sayyaf ang nalaglag sa kamay ng mga awtoridad mula ng mag-alok ang pamahalaan ng P100-milyong pabuya. Hindi binanggit ng opisyal ang pangalan ng mga nadakip.
Sa ulat na natanggap ni PNP chief director Gen. Leandro Mendoza mula kay Sr. Supt. Candido Casimiro, buo ang loob ni Jamah ng pasukin ang opisina ng NAPOLCOM na nakabase sa Camp Asturias, Jolo ng maispatan ng mga tauhan ng 3rd Special Action Force ng PNP.
Nasa aktong kinakausap ng suspek ang sang pulis ng bigla itong makilala ng mga operatiba ng Intelligence and Investigation Section ng Napolcom na miyembro ng bandidong ASG kaya agad itong dinampot.
Si Jamah ay tinukoy bilang kaalyado at aktibong kasapi ni Abu lider Ghalib Andang alyas Kumander Robot.
Pinaniniwalaang ang suspek ay nagtungo sa tanggapan ng Napolcom para maniktik matapos magpalabas ng reward na tig-P5 milyon sa bawat ulo ng mga lider.
Kabilang sa mga opisyal ng Abu Sayyaf na may patong na P5-M sa ulo sina Kumander Robot, Mujib Susukan, Abu Sabaya at Khadaffy Janjalani. (Ulat ni Joy Cantos)