Magkapatid nagtampisaw sa ilog, nalunod

COTABATO CITY, Philippines — Sa kanyang pagtangkang iligtas ang kanyang nakakabatang kapatid, parehong namatay sa pagkalunod ang dalawang Moro grade school pupils sa Matampay River sa Cotabato City nitong hapon ng Biyernes.

Unang natagpuan ng mga search and rescue teams mula Philippine Coast Guard, ng Cotabato City government at ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence ang bangkay ni Haider Badal, 11-anyos, bandang 6:00 p.m. nitong Biyernes.

Makalipas ang halos isang oras, ang bangkay naman ng 9-anyos niyang kapatid na si Johair Badal ang nakita sa isang malalim na bahagi ng ilog na dumadaloy patungo sa western coast ng Cotabato City.

Sa salaysay ng mga barangay leaders at local government officials na nagresponde sa insidente, nagkasundong maligo sa nasabing ilog ang magkapatid at ­unang nalunod si Johair nang matangay ng agos na biglang lumakas sanhi ng malakas na pagbuhos ng ulan sa lungsod at mga karatig na bayan sa Maguinda­nao del Norte.

Tangkang sasagipin sana ni Haider ang nakakabatang kapatid ngunit siya rin ay lumubog sa malalim na bahagi ng ilog at tuluyan na ring nalunod.

Agad na nagpaabot ang Office of the Vice President Satellite Office-Bangsamoro Region sa pamilya ng dalawang bata ng mga Janazah Kit, naglalaman ng mga gamit sa pagpaligo ng bangkay ng Muslim at telang pambalot nito bago ilibing, ayon sa tradisyong Islam.

Show comments