‘Shabu dealer’ pumalag sa buy-bust, dedo

COTABATO CITY , Philippines — Patay ang isang hinihinalang shabu dealer nang manlaban umano sa mga hindi unipormadong ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kanyang nabentahan ng P105,000 na halaga ng shabu sa Koronadal City nitong gabi ng Biyernes.

Sa ulat nitong Sabado ni Aileen Lovitos, director ng PDEA-Regional Office 12, napilitang gumanti ng putok ang kanilang mga agents nang bumunot ng kanyang Taurus 9 millimeter pistol at pinaputukan sila ng 45-anyos na si Jeffrey Sobusa Pudadera na kanila sanang aarestuhin ng mapayapa matapos silang bentahan ng shabu sa  Purok Rizal, Barangay Zone 4, Koronadal City.

Matagal nang target ng mga unit ng Police Regional Office-12 at ng PDEA-12 si Pudadera, na ginamit diumano ang pagmamaneho ng pampasaherong tricycle sa paghahatid ng shabu sa kanyang mga contacts sa iba’t ibang barangay sa Koronadal City, kabisera ng probinsya ng South Cotabato.

Nasa kustodiya na ng PDEA-12 ang baril ng napas­lang na si Pudadera at ang shabu na nagkakahalaga ng P105,000 na nakumpiska sa kanya.

Show comments