COTABATO CITY, Philippines — Patay ang dalawang criminology student habang 14 pang kasamahang estudyante ang malubhang nasugatan nang bumangga ang kanilang sinasakyang van sa isang nakaparadang 10-wheeler truck sa Malungon, Sarangani nitong Linggo.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Lunes ng Malungon Municipal Police Station at ng Police Regional Office-12, pauwi na sa Kidapawan City galing sa Rover Scouting Event sa Glan, Sarangani ang mga biktima na sina Christian Mark Cordero at Allan Peniero, at 14 pang kasamahang estudyante nang sumalpok ang kanilang sinasakyang van sa isang 10-wheeler truck na nakaparada sa gilid ng highway sa Purok Agdao, Barangay Talus, Malungon, Sarangani.
Ginagamot na sa isang hospital ang mga sugat at pasa sa katawan ng mga kasama ng nasawing sina Cordero at Peniero, mga criminology students sa Central Mindanao College sa Kidapawan City sa probinsya ng Cotabato at parehong mga miyembro ng Alpha Phi Omega fraternity.
Ayon kay Brig. Gen. Percival Augustus Placer, director ng PRO-12, inaalam pa ng mga imbestigador ng Malungon MPS kung ano ang nagsanhi ng naturang aksidente.