Lay minister, todas sa pamamaril sa Leyte

Dead on the spot ang biktimang si Marcelino Combate, 52, na isa ring Municipal Agriculturist at residente ng Leyte, Leyte.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay ang isang Lay Minister nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin kamakalawa ng tanghali sa Villaba, Leyte.

Dead on the spot ang biktimang si Marcelino Combate, 52, na isa ring Municipal Agriculturist at residente ng Leyte, Leyte.

Napag-alaman na nangyari ang pamama­ril dakong alas-12 ng tanghali nitong Linggo sa Sitio Purok, Brgy. Cabungahan Villaba, Leyte.

Nabatid na galing ang biktima sa simbahan at pauwi na sakay ng kanyang   motorsiklo nang  harangin at pagbabarilin ng  mga suspek gamit ang .45 kalibre pistol.

Nagtamo ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na na­ging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Kaagad naman tumakas at pumunta sa masukal na lugar ang mga suspek.

Lumilitaw sa imbestigasyon na tinangay ng mga suspek ang sling bag ng biktima na may lamang pera, cellphone, at iba pa.

Sa ngayon ay nagsagawa na ng hot pursuit operation ang mga kapulisan upang mahuli ang mga suspek.

Nanawagan naman si Leyte Police Provincial Office chief PCol. Dionisio Apas Jr. sa publiko na manatiling mapagmatyag at ireport sa otoridad ang ano mang kaduda-dudang aktibidad.

Show comments