14 combat rifles ng NPA, nahukay sa Bukidnon

Nasa kustodya na ng 1003rd Infantry Brigade ang 14 combat rifles at mga bala na nakumpiska ng mga sundalo sa isang operasyon nitong Sabado sa Quezon, Bukidnon.
John Unson

MANILA, Philippines — Dumanas ng panibagong dagok ang mga rebeldeng New ­People’s Army (NPA) matapos na mahukay ng tropa ng mga sundalo ang mga nakabaong arms cache sa liblib na lugar sa Brgy. Lumintao, Quezon, Bukidnon kamakalawa.

Sa report ng 1003rd Infantry Brigade sa ilalim ng 10th Infantry Divison ng Philippine Army, ang nasamsam na mga kagamitang pandigma ay pag-aari ng nalalabing miyembro ng Southern Mindanao Regional Committee ng NPA.

Bago ito, ilang concerned citizen sa lugar ang nagturo sa mga sundalo sa pinagbaunan ng mga rebelde sa kanilang mga armas sa madamong bahagi ng kagubatan.

Agad na nagresponde ang mga sundalo at dito’y nahukay ang 14 sari-saring matataas na armas kabilang ang walong M16 rifles, isang M653 rifle, dalawang M14 rifles, tatlong AK-47 rifles. Bukod rito, bulto rin ng mga bala at magazine, at ilang granada ang nasamsam sa lugar.

Sa pahayag ni Brig. Gen. Marion Ang­cao, commander ng 1003rd IB, ang pagkakasamsam sa kaga­mitan ng mga rebelde ay malaking dagok sa nalalabing miyembro ng NPA na namumugad sa nasabing lalawigan.

Show comments