4 patay sa salpukan ng truck at van sa Cagayan

Kinilala ang mga nasawi na sina Kennedy Alversado, driver ng Isuzu Canter double cab na may plakang ABB-5929, at mga sakay nitong sina Jenet Ann Olivas, Jerome Castro, at Jimmy Olivas.
STAR/File

MANILA, Philippines — Apat katao ang kumpirmadong patay habang isa ang sugatan matapos magsalpukan ang isang Canter van at humahagibis na truck nitong Biyernes ng umaga sa Gattaran, Cagayan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Kennedy Alversado, driver ng Isuzu Canter double cab na may plakang ABB-5929, at mga sakay nitong sina Jenet Ann Olivas, Jerome Castro, at Jimmy Olivas.

Sugatan naman ang driver ng Isuzu Elf truck na may plakang NFT-780 na si Jimmy Calimag na ginagamot sa Cagayan Valley Medical Center.

Sa report ng Gattaran Police, umaga ng Biyernes nang maganap ang insidente sa national highway ng Barangay Lapogan, Gattaran. 

Habang binabagtas ng mga biktima ang highway patungong Tuguegarao City at papunta naman ang truck sa Aparri, Cagayan nang maganap ang road accident. Bigla na lamang umanong sinalubong ng naturang truck na minamaneho ni Calimag ang sasakyan ng mga biktima sanhi ng matinding salpukan.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nayupi ang van at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Dinala naman sa ospital si Calimag para lapatan ng lunas ang tinamo nitong sugat.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at inihanda na rin ang posibleng mga kasong isasampa laban kay Calimag.

Show comments