Sekyu inatado ng dating sekyu

CAVITE, Philippines — Tadtad ng saksak sa katawan ang tinamo ng isang Security guard at kasalukuyan ngayong inoobserbahan sa pagamutan makaraang pagsasaksakin ng isa ring security guard na dating nagtatrabaho sa pinagtatrabahuan ng biktima, sa Starkson Packaging Inc., sa Brgy. Lucsuhin, Silang, Cavite kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang kritkal na biktimang si Joemarl Laman Catalino, nasa hustong gulang, security guard ng Starkson Packa­ging Inc.

Sa ulat ng pulisya, alas-12:05 ng mada­ling araw kasalukuyang naka-duty ang biktima sa lugar nang dumating ang suspek na kinilala sa alyas na “Jeralf” sakay ng isang motorsiklo at may kasama pang isang lalaki na kinilala sa alyas “John”. 

Agad nitong nilapitan ang biktima at walang sabi-sabing inundayan ng sunud-sunod na saksak, habang nagsilbing lookout ang kasama nito.

Duguang bumulagta ang biktima at mabilis na tumakas ang mga suspek bitbit ang ginamit na patalim.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang suspek ay dating guwardya ng Starkson Packaging na nasibak sa trabaho at ang biktima ang pinaghihina­laan niyang dahilan ng kanyang pagkakatanggal.

Show comments