Beermen, Bolts patayan sa 3-2 lead

Muntik madaganan ni SMB guard Chriss Ross ang nakahigang si Cliff Hodge ng Meralco sa agawan sa bola sa Game 4 ng PBA Finals.
Kuha ni Russell Palma

MANILA, Philippines — Dalawang panalo pa ang kailangan ng San Miguel at Meralco para makopo ang Season 48 PBA Philippine Cup crown.

Tabla sa 2-2 sa best-of-seven championship series, pag-aagawan ng Beermen at Bolts ang ma­halagang 3-2 lead sa kanilang salpukan sa Game Five ngayong alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nakabawi ang San Miguel mula sa kabiguan sa Game Three nang ang­kinin ang 111-101 panalo sa Game Four ng PBA Finals noong Miyerkules.

“It’s a great win for us, ‘no, but we just tied the series and we just made it a best-of-three,” sabi ni Beermen coach Jorge Gallent.

Sa nasabing pagresbak sa Bolts ay humakot si se­ven-time PBA MVP at Best Player of the Confe­rence June Mar Fajardo ng 28 points at 13 rebounds habang may 22 at 18 mar­kers sina CJ Perez at Marcio Lassiter, ayon sa pagkaka­sunod.

Kumonekta rin si Lassiter ng apat na three-point shots at pitong triples na lamang ang agwat para u­ngusan si PBA legend Allan Caidic sa No. 2 sa all-time 3-pointers made list.

May 1,242 tres si Caidic.

Pinaglaro rin ni Gallent sina veteran power forward Vic Manuel at scoring guard Terrence Romeo na nag-ambag ng walo at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod.

“Nag-step up kami lahat. Kahit sinong ipinasok ni coach, nag-step up lahat kaya nakuha namin iyong panalo,” ani ng 6-foot-10 na si Fajardo na kaagad umiskor ng 12 points sa first period para sa double digit lead ng SMB sa Meralco.

Show comments