Meralco lalapit sa unang PBA crown

Tinirahan ni SMB star center June Mar Fajardo si Meralco big man Raymond Almazan sa Game 3 ng PBA Finals.

MANILA, Philippines — Hangad makalapit sa kanilang kauna-unahang korona, mas lalong maghahanda ang Meralco sa pagresbak ng San Miguel.

“We have to prepare. We came into the locker room saying that we did some things that we weren’t supposed to do,” ani coach Luigi Trillo.

“So we got to stay more connected there and we’ll clean it up.”

Hawak ang 2-1 lead sa kanilang best-of-seven championship series, sasagupain ng Bolts ang Beermen sa Game Four ngayong alas-7:30 ng gabi sa Season 48 PBA Philippine Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.

Kinuha ng Meralco ang Game One, 93-86, bago naagaw ng San Miguel ang Game Two, 95-94.

Inangkin ng Bolts ang Game Three, 93-89, tampok ang game-high 26 points ni Chris Newsome bukod sa 4 rebounds at 4 assists habang humakot si big man Raymond Almazan ng double-double na 17 markers at 13 boards.

Nalimitahan din nina Almazan at rookie center Brandon Bates si seven-time PBA MVP June Mar Fajardo sa 12 points para sa Beermen.

Kumpiyansa ang 6-foot-10 na si Fajardo na makakatabla sila sa serye.

“Malaking bagay iyong pahinga para sa amin, lalo na sa akin,” sabi ng 34-anyos na Cebuano giant. “Makakapagpahinga ako nang mahaba so gagamitin ko iyon nang maayos para fresh ako sa Game Four.”

Nasa kanilang PBA record na pang-45 finals appearance, puntirya ng San Miguel ang ika-30 kampeonato.

Kung makokontrol nila ang rebounding ay malaki ang tsansa ng Meralco na makuha ang malaking 3-1 bentahe sa serye, ayon kay forward Cliff Hodge.

Show comments