Ginebra, Meralco bardagulan sa Game 5

Nagtabla sa 2-2, mag­haharap ang Gin Kings at Bolts ngayong alas-6:15 ng gabi sa Game Five sa MOA Arena sa Pasay City.

MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng Barangay Ginebra at Meralco ang mahalagang 3-2 lead sa kanilang semifinals series sa Season 48 PBA Philippine Cup.

Nagtabla sa 2-2, mag­haharap ang Gin Kings at Bolts ngayong alas-6:15 ng gabi sa Game Five sa MOA Arena sa Pasay City.

Ipinagkatiwala ni coach Tim Cone kay veteran point guard LA Tenorio ang offensive plays ng Ginebra sa Game Four na nagresulta sa kanilang 90-71 pagresbak sa Meralco noong Biyernes.

“We’ve been struggling with our offense, struggling with our execution. We know that LA can do that,” sabi ng two-time PBA Grand Slam champion coach sa 39-anyos na si Tenorio na nag-ambag ng pitong puntos, apat na rebounds at anim na assists.

Nauna nang inangkin ng Bolts ang 2-1 lead mula sa 102-91 panalo sa Game 2 at 87-80 pananaig sa Game 3 bago nakatabla ang Gin Kings sa Game 4.

“Siguro si coach (Cone) talaga after that loss (Game Three) he really thought of starting the vets, to stabilize the game, to control the game,” wika ni Tenorio.

Ang mananalo sa best-of-seven semis showdown ng Ginebra at Meralco ang sasagupa sa San Miguel na kinumpleto ang 4-0 series sweep sa Rain or Shine papasok sa pang-45 finals appearance at target ang ika-30 korona.

Kinailangan ng Beermen na bumangon mula sa isang 19-point deficit, 54-73, sa third period para sibakin ang Elasto Painters.

Bago ang laro ay pinuntahan ni SMB star Terrence Romeo si Rain or Shine mentor Yeng Guiao para humingi ng apology dahil sa pagtira ng triple sa pagtatapos ng Game Three noong Miyerkules.

Minura ng 65-anyos na coach si Romeo matapos ang laro at tinawag na bastos.

“Ganoon naman, si­yempre heat of the game. Minsan kapag nagalit tayo or may naka-offend sa atin, siyempre at that moment may possible kang masabi,” ani Romeo.

Show comments