Obiena tanso sa Poland

Ernest John Obiena
STAR / File

MANILA, Philippines — Balik-aksyon si Tokyo Olympian Ernest John Obiena nang humirit ito ng tansong medalya sa 2023 Memorial Ireny Szewinska na ginanap sa Bydgoszcz, Poland.

Inilabas ni Obiena ang matikas na porma nito para maitarak ang 5.72 metro distansiya para makuha ang tansong medalya.

Sinubukan pa sana ng 27-anyos Pinoy pole vaulter ang 5.82m ngunit bigo ito sa kanyang tatlong pagtatangka.

Tumapos ang world No. 3 na si Obiena sa likod nina world No. 2 Chris Nilsen ng Amerika na nakahirit ng ginto at Piotr Lisek ng host Poland na nasiguro ang pilak na medalya.

Nagrehistro si Nilsen ng 5.92m sapat para ang­kinin ang korona habang kumana naman si Lisek ng 5.82m para sikwatin ang pilak.

Ito ang unang torneo ni Obiena matapos ang 32nd Southeast Asian Games na ginanap sa Phnom Penh, Cambodia.

Maningning ang kampanya ni Obiena sa SEA Games kung saan winasak nito ang rekord sa bendis­yon ng 5.65m.

Matapos ang SEA Games ilang linggo ring nagpahinga si Obiena bago ipagpatuloy ang kanyang ensayo para paghandaan ang malalaking torneong lalahukan nito.

Sunod na sasalang si Obiena sa dalawang torneo sa Norway.

Show comments