Baltazar sa Korea maglalaro

Justine Baltazar
B. League

MANILA, Philippines — Nagsara ang pintuan ng Japan B.League para kay Justine Baltazar matapos maputol ang kanyang kontrata sa Hiroshima.

Nakapaglaro lamang ito ng walo kung saan nagtala ito ng kabuuang dalawang puntos, isang rebound, isang assist at isang steal sa loob ng 13 minuto at 36 segundo.

Kaya naman mabilis na natapos ang paglalaro nito sa Japan B.League dahil agad itong ini-release ng Hiroshima.

Ngunit nagsara man ang pinto ng Japan, binuksan naman ng South Korea ang bintana nito para big­yang liwanag ang basketball career ni Baltazar.

Pinaplantsa na ang pag­lalaro ni Baltazar para sa Seoul Samsung Thunders sa 2022-2023 season ng Korean Basketball League.

Ayon sa ilang ulat, maglalaro si Baltazar suot ang jersey ng Thunders hanggang matapos ang season ng liga.

Wala pang linaw kung ie-extend ito sa susunod na edisyon ng Korean Basketball League.

Inaabangan din ang pormal na anunsiyo ng Seoul Samsung Thunders at ng kampo ni Baltazar para makumpirma ang lahat.

Kasama si Baltazar sa Strong Group na sasabak sa 32nd Dubai  Internatio­nal Basketball Tournament na gaganapin sa Enero 29 hanggang Pebrero 5.

Matatandaang si Gilas Pilipinas standout Will Navarro sana ang import ng Seoul Samsung Thunders.

Subalit hindi ito natuloy dahil sa kontratang pinir­mahan ni Navarro sa Samahang Basketbol ng Pilipinas.  

Show comments