Hindi pa lubusang tapos

KAKASUHAN daw ng rebelyon si Nur Misuari na naganap na karahasan sa Zamboanga, ayon sa DOJ. Pero magmula nang maganap ang karahasan sa Zamboanga, hindi pa nagpapakita ang founder ng MNLF. Mga tagapagsalita niya, na minsan ay kontra-kontra pa ang sinasabi, ang humaharap sa media. Kaya kung matapos man ang karahasan sa Zamboanga at nadurog na ang mga MNLF na iyan, hindi pa lubusang tapos ang trabaho ng AFP at kailangang hanapin si Misuari para humarap sa paglilitis.

Hindi lang daw rebelyon ang isasampa kay Misuari. Kailangan din niyang managot sa pang-abuso sa mga sibilyan. Binihag ng kanyang mga tauhan ang maraming sibilyan at ginawang panangga sa mga sundalo.

Dalawampung araw na ang nakalilipas mula nang magsimula ang karahasan sa Zamboanga, pero malaki na ang nabawing teritoryo ng mga sundalo. Nasakop na ang isang kampo ng MNLF sa Zamboanga. Marami na rin silang napatay na MNLF at naligtas na ang lahat na bihag. Puwede na sigurong sabihin na malapit nang matapos ang karahasan sa Zamboanga.

Malaking pinsala ang idinulot ng karahasan. Bukod sa mga sundalong napatay at mga sibilyan na naipit sa labanan, maraming bahay at gusali sa siyudad ang nasira at nasunog. Ngayon ay unti-unti nang nagsisimula ang pagsasaayos ng lugar. Nananawagan ang Zamboanga na tulungan sila.
Naisip ko tuloy ang hirap na dinaanan ng buong bansa noong World War II. Sinakop ng Japan ang Pilipinas at nang bumalik si McArthur ay binawi ang bansa. Maraming nasira at nawasak dahil sa giyera. Pero nakabangon naman tayo dahil na rin sa tulong ng ibang bansa, kasama ang Japan.

Hindi na dapat maulit ito. Hindi na dapat mabigyan ng pagkakataon si Misuari, at sino mang grupo na gustong angkinin ang anumang teritoryo ng bansa. Ipagtatanggol natin ang atin. Nasa panahon na tayo ng pag-uusap para sa kapayapaan. Wala nang lugar para sa karahasan. Mga desperado na lang ang mga gagawa nito.

 

Show comments