Public hearing sa NCR minimum wage hike, itinakda sa Hunyo 20

Workers are seen performing their duties at a constructi site in Taguig on February 7, 2024.
Ernie Penaredondo

MANILA, Philippines — Itinakda na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR) ang pagdaraos ng public hearing sa minimum wage adjustment sa Hunyo 20.

Sa abiso ng RTWPB-NCR, nabatid na idaraos ang naturang public hearing dakong alas-9:00 ng umaga sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.

Nabatid na ang RTWPB-NCR ay nakatanggap ng petisyon para sa minimum wage increase na inihain ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong Mayo 24, 2024.

Nais ng naturang labor group na mataasan ang daily minimum wage para sa mga manggagawa sa mga pribadong establisimyento sa NCR ng P597.

Ang current daily minimum wage sa NCR ay P610 para sa mga mang­gagawa sa non-agriculture sector at P573 para sa mga manggagawa sa agriculture sector, service/retail establishments na may empleyadong nasa 15 pababa at manufacturing establishments na regular na nag-e-empleyo ng wala pang 10 manggagawa.

Kaugnay nito, hinikayat ng RTWPB-NCR ang mga employer, mang­gagawa, employer associations, at labor organizations na lumahok sa naturang public hearing. Maaari rin umano silang magsumite ng kanilang position papers sa RTWPB-NCR office sa 2nd Floor, DY International Building, San Marcelino cor. General Malvar Sts., Malate Manila o sa pamamagitan ng e-mail na wage_ncr@yahoo.com.ph, bago sumapit ang Hunyo 18, 2024.

Matatandaang sa 2024 Labor Day cele­bration sa Malacañang, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga RTWPBs na rebyuhin ang minimum wage rates sa kani-kanilang rehiyon.

Show comments