Chocolate, lollipop hinahaluan ng ‘magic mushrooms’

Publiko pinag-iingat ng PDEA

MANILA, Philippines — “Mag-ingat sa mga chocolate, lollipop at gummy bear na may halong magic mushrooms!”

Ito ang babala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko kasunod ng pagkakakumpiska at pagkakadiskubre ng mga lollipop, chocolate bar, at gummy bear na pinaniniwalaang may halong “magic mushrooms” na isang mapanganib na droga sa isinagawang buy-bust operation ng ahensiya noong May 18, 2024 sa isang beach resort sa Barangay Galongen, Bacnotan, La Union.

Pito katao kabilang ang isang dayuhan ang naaresto sa nasabing operasyon kung saan kasama sa nakumpiska ay ang mga marijuana, ecstasy, at cocaine na tinatayang nagkakahalaga ng ?145,000.

Ayon sa PDEA, bukod sa panganib sa kalusugan, ipinagbabawal din ang magic mushrooms sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

Batay sa imbestiga­syon, itinatanim ng mga suspek ang mga mushroom habang aktibong isinusulong ang paggamit ng microdosing para sa panggamot.

Lumilitaw sa pag-aaral ng PDEA na ang magic mushrooms ay nagtataglay ng “Psilocybin” na ipinagbabawal ng Dangerous Drugs Board.

Sinabi ng PDEA na ang mga nahuling suspek ang mismong gumagawa ng mga nasabat na droga at ibinebenta kung saan pinalilitaw nila na ang kanilang produkto ay may “therapeutic benefits” na inilalabas sa social media at iniindorso pa ng ilang kilalang influencers.

Bunsod nito, mas pinaigting pa ng PDEA ang kanilang pagbabantay sa mga psychedelic mushroom at nanawagan sa publiko na agad na ipagbigay-alam sa ahensiya ang anumang impormasyon tungkol dito.

Show comments