4 ‘tulak’ timbog sa Quezon City, higit P.5 milyong droga Samsam

MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng  Quezon City Police District (QCPD) sa magkahiwalay na  anti illegal drugs operation sa lungsod ang apat na ‘tulak’ kasabay ng pagkakasabat ng  nasa higit P500,000 ang halaga ng shabu.

Batay sa report na tinanggap ni QCPD Director PBGen. Redrico Maranan, nakilala ang mga ‘tulak’ na sina Justine Clyde Gumba, 19, ng Brgy. Bangbang, Pasig City; Romar Cabelin, 23, ng Brgy. Palatiw, Raymundo Compound, Pasig City; Julious Sanez, 40  at Francis Aguilar, 42, kapwa  tricycle driver at residente ng  Brgy., San Martin De Pores, Cubao, Quezon City.

Sa ilalim ng pamumuno ni  PLtCol. Reynaldo Vitto, hepe ng Novaliches Police Station (PS 4), isinagawa ang buy-bust ­operation laban kina Gumba at Cabelin alas-9:30 ng gabi nitong Biyernes sa Blk. 6, Lot 18 Commonwealth Ave. Brgy. Sta. Monica, Novaliches.

Isang pulis ang nagsilbing poseur buyer at bumili ng shabu sa halagang P37,500 at nang magkaabutan ay agad dinakma ang mga suspek.

Kinumpiska ng mga pulis ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000, isang Honda Click 125 motorcycle, cellphone at buy-bust money.

Samantala, alas-8:30 ng gabi nitong Huwebes nang isagawa ng District Drug Enforcement Unit  (DDEU) sa pamumuno ni PMaj Wennie Ann Cale ang buy-bust laban kina Sanez at Aguilar  No. 37 Banahaw St.,Brgy. San Martin De Pores, Cubao, Quezon City.

Nakuha sa dalawa ang 26 gramo ng  shabu na may halagang P176,800.00, cellular phone, coin purse at buy-bust money. 

Show comments