Canadian, ‘utak’ sa P9.6 bilyong shabu sa Batangas, timbog

Sa ulat na nakara­ting sa PNP headquarters sa Camp Crame, nadakip ang suspek na si Thomas Gordon Quinn, alyas Toby Martin, isang Canadian national sa Pag-ibig Unit, Nurture Spa and Wellness sa Barangay Maitim II, Tagaytay City, Cavite.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng pulisya sa ikinasang joint opera­tion sa Cavite ang Canadian national na pangunahing suspek sa nasabat na 1.4 tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P9.6 bilyon sa isang checkpoint sa Alitagtag, Batangas.

Sa ulat na nakara­ting sa PNP headquarters sa Camp Crame, nadakip ang suspek na si Thomas Gordon Quinn, alyas Toby Martin, isang Canadian national sa Pag-ibig Unit, Nurture Spa and Wellness sa Barangay Maitim II, Tagaytay City, Cavite.

Si Quinn ang sinasabing kapitan ng yate na nagdala ng toneladang shabu sa bansa.

Lumilitaw na nada­kip ang suspek sa isang operasyon ng pinagsanib na puwer­sa ng Regional Intelligence Division ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Regional Intelligence Division ng Police Regional Office (PRO) 4A at Bureau of Immigration (BI).

Mayroon ding notice sa International Police Organization (Interpol) ang suspek.

Nakatakas si Quinn sa isinagawang operas­yon noong Abril 19 sa Nasugbu, Batangas.

Matatandaang noong Abril 15, 2024 ay nasabat ang isang Foton van sa isang police checkpoint sa kahabaan ng highway sakop ng Brgy. Pinagkrusan sa bayan ng Alitagtag kung saan nakakarga ang nasabing toneladang shabu habang naaresto naman ang drayber nito.

Show comments