324 siyudad, munisipalidad nasa state of calamity sa El Niño

Locals walk over the dry part of Intang Lake in Pantabangan, Nueva Ecija on April 22, 2024.
STAR / Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Pumalo na sa 324 siyudad at munisipalidad sa bansa ang isinailalim sa state of calamity dahilan sa epekto ng El Niño, ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Hanggang kamakalawa ng hapon, ang El Niño phenomenon ay nakaapekto sa kabuhayan at pamumuhay ng nasa 1,075,690 pamilya o kabuuang 4,307,644 indibidwal sa nasa 5,174 barangays sa 13 lugar mula sa17 rehiyon sa bansa.

Ayon sa NDRRMC, nasa 119 siyudad at munisipalidad ang nasa state of calamity sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM) habang nasa 71 sa Western Visayas.

Samantala nasa 40 siyudad at munisipalidad rin sa Cagayan Valley ang nasa state of calamity, 32 sa SOCCSKSARGEN, 28 sa Central Visayas, 17 sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), 8 sa Northern Mindanao, tig-3 sa Ilocos Region at Zamboanga Peninsula, dalawa sa Eastern Visayas at isa naman sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Ang tatlong rehiyon na may pinakamataas na bilang ng mga naapektuhang populasyon ay Western Visayas, Soccsksargen at BARMM.

Matindi ring naapektuhan ng tagtuyot ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region at Cordillera Administrative Region (CAR).

Wala namang iniulat na naapektuhang populasyon sa National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon, at Bicol Region.

Show comments