Apektado ng 'Mindoro oil spill' lumobo na sa 143,713 katao — NDRRMC

The Philippine Coast Guard (PCG) deployed an oil spill boom and skimmer with manual scooping around the suspected area of the sunken MT PRINCESS EMPRESS approximately 7.1 nautical miles northeast of the shorelines of Balingawan Port, Lucta Port, and Buloc Bay in Oriental Mindoro, yesterday, 14 March 2023.
Released/Philippine Coast Guard

MANILA, Philippines — Patuloy pa rin sa pagdami ang taong apektado ng paglubog ng MT Princess Empress sa vicinity waters ng Naujan, Oriental Mindoro — bagay na may dalang 800,000 litro ng industrial fuel oil na siyang sumasalanta ngayon sa maraming lugar sa MIMAROPA at Western Visayas.

'Yan ang ibinalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Center, Miyerkules, ito isang araw matapos ibalita ng Marina na "walang permit" pumalaot ang MT Princess Empress. Kinontra naman ito ng Philippine Coast Guard.

Kung titilad-tilarin, ito ang itsura sa ngayon ng 143,713 kataong naapektuhan ng oil spill:

  • taga-MIMAROPA: 113,487
  • taga-Region VI: 30,226
  • sugatan: 169

Umabot na sa ngayon sa P3.85 milyong halaga ng pinsala na ang naitatala ng nasabing insidente, bagay na nakaapekto sa kabuhayan ng nasa 13,654 mangingisda.

"A total of 10 cities/municipalities were declared under the State of Calamity," banggit pa ng NDRRMC.

Nakapag-abot naman na ng P43.34 milyong halaga ng ayuda sa ngayon para sa mga taga-MIMAROPA at Western Visayas sa porma ng tubig, face masks, family food packs at sari-saring pagkain.

'Pagkalat ng langis pigilan, nagpababaya panagutin'

Nakikiisa naman ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa mga panawagan ng agarang pigilan ang pagtagas ng langis sa karagatan mula sa naturang barko, ito habang itinutulak ang gobyerno na magsagawa ng mga clean-up at rehabilitasyon ng mga naapektuhan.

"Nagbabala ang mga ekpersto na nanganganib din na abutin ng oil spill ang Verde Island Passage na may habang 14,000 kilometro at nasa gitna ng mga probinsya ng Batangas, Oriental Mindoro at kalapit din ng Marinduque," wika ng KMP kanina.

"Sinasabing nasa Verde Island Passage o VIP malaking konsentrasyon ng mga isda, corals, crustaceans, mga seagrass at mangroves. Ayon sa UP Marine Science Institute, maaring itulak ng hangin patungo sa VIP ang tumagas na langis na nasa Naujan at Pola Bay sa Oriental Mindoro. Maari pang umabot sa Puerto Galera at sa Calapan Bay ang tumatagas na langis."

Aniya, malaki ang social costs ng oil spill sa mga komunidad at magdudulot ng pangmatagalang pinsala sa kabuhayan, kapaligridan at yamang-dagat.

Kailangan din daw managot ang mga sangkot na kumpanya at ahensya ng gobyernong "nagpabaya" kung kaya't nangyari ang pagtagas.

Show comments