Pagpapatalsik kay Zubiri, ‘fake news’ – senators

MANILA, Philippines — Itinanggi ng mga senador ang lumabas na balita na papalitan na si Senate President Juan Miguel Zubiri dahil sa mababang output at kabiguang iprayoridad ang mga isinusulong na panukala ng pamahalaan.

Ayon kay Senate President pro-tempore Loren Legarda, wala itong katotohanan dahil ang Senate leadership katuwang ang mayorya at minorya ay masipag at produktibong nagtatrabaho.

Sa kabila rin umano ng mga pinagtatalunan at magkakaibang posisyon sa mga isyu ay maayos din silang nagkakapagtrabaho.

Iginiit naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na walang basehan, kakatwa at malisyoso ang lumabas na artikulo at ito rin umano ay desperadong hakbang para wasakin hindi lang ang reputasyon ng Senate President kundi pati ang pabagsakin ang integridad ng Senado bilang institusyon.

Kung si Senator Sonny Angara naman ang tatanungin, masyado pang maaga para husgahan si Zubiri at sa kanyang palagay ay mabuting leader at outstanding ang performance sa kasalukuyan ng Senate President at ng kanyang team.

Pinasinungalingan din nina Senators Grace Poe, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Chiz Escudero at Nancy Binay ang anila’y ‘fake news’ dahil sa katunayan, kuntento at suportado nila ang liderato ni Zubiri.

Show comments