EDITORYAL - Marungis na PNP

MARAMING pulis ngayon ang sangkot sa illegal na droga. Kabaliktaran ang nangyayari ngayon na sa halip na sila ang manghuli sa drug courier, sila ang hinuhuli ng kabaro nila. Ang mga pulis-droga na ito ang dahilan kaya patuloy na bumabagsak ang imahe ng Philippine National Police (PNP). Ang pagkakasangkot nang maraming pulis sa illegal drug trade ay senyales na mabigat na ang problema ng bansa sa ipinagbabawal na droga. Nagpapakita rin ito na mahirap nang lutasin ang problema sapagkat mismong ang nagpapatupad ng batas ang lumalabag. Sa halip na malipol ang nagpapakalat ng droga, lalo pang dumarami.

Sangkot sa drug recycling ang mga pulis partikular na ang mga nasa drug enforcement unit o ang Philippine Drug Enforcement Group (PDEG). Ang mga nakukumpiskang droga ng mga operatiba ay hindi lahat isinusulit at ito ang nire-recycle. Ibinulgar ito ng isang impormante sa pagdinig kamakailan ng House of Representatives. Ibinabalik sa kalye para pagkakitaan.

Isa rin sa dahilan kaya hindi malutas ang problema sa droga ay dahil sa mga “ninja cops”. Kapag may nahuling “ninja cop” hindi agad inaaksiyunan at lumilipas pa ang ilang buwan bago ito masibak sa puwesto.

Gaya nang nangyari kay Sgt. Rodolfo Mayo Jr., na nahulihan ng 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon noong nakaraang taon. Lumipas pa ang ilang buwan bago siya napagpasyahang sibakin sa puwesto. Isa siya sa “ninja cop” na tinukoy ni dating President Duterte noong 2017. Itinapon siya sa Mindanao subalit nakabalik sa PDEG-NCR. Nang makabalik sa puwesto, nasangkot uli siya sa illegal drug trade at mas mabigat pa ang ginawa niya dahil nahuli sa kanya ang napakaraming shabu.
Maski sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay may mga opisyal at operatiba na sangkot sa recycling ng droga. Noong nakaraang taon nahuli sa buy-bust operation ang hepe ng PDEA sa Taguig kasama ang dalawag tauhan.

Marungis ang PNP at lalo pang nagiging marungis dahil sa pagkakasangkot ng mga miyembro sa illegal na droga. Kung hindi mawawala ang “ninja cops” sa PNP, hindi na makakabangon sa kumunoy ang organisasyon. Tuluyan nang mawawalan ng tiwala ang mamamayan.

Ang masakit pa, iiwanan ni PNP chief General Rodolfo Azurin ang puwesto na may malaking problema sa droga. Sana nakagawa siya ng paraan noon pa.

Show comments