Transpormasyon ng PNP

NOONG araw, gustung-gusto ng mga tao na may makatabing pulis, sapagkat nangangahulugan iyon ng seguridad. Sinumang may katabing pulis ay panatag ang kalooban, sapagkat ibig sabihin noon ay walang sinumang magtatangkang gumawa sa kanya ng kasamaan.  Ang aking yumaong tatay ay isang pulis na kabilang sa tinaguriang The Manila’s Finest.  Lumaki ako sa Tondo at nakita ko kung paanong magpulasan ang mga nag-iinumang maton kapag nakita nilang dumarating ang aking tatay.  Lubos na iginagalang ng mga tao ang mga pulis.

Pero ngayon ay baliktad.  Marami ang natatakot kapag may katabing pulis, sapagkat baka gawan sila ng masama ng mismong pulis. Mas marami pa rin naman ang mabuti sa mahigit na 220,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP), ngunit ‘yong kakaunting masama ang sumisira sa magandang imahen ng kapulisan, kaya’t ang lumulutang sa ating kamulatan ay ang pagiging bantay-salakay ng mga dapat sana’y bantay nating lahat.

Napakahalagang malinis ang ranggo ng kapulisan, sapagkat sila ang sumisimbolo sa kapa­yapaan at kaayusan. Saan tayo dadamputin bilang isang malayang lipunan kung wala na tayong tiwala sa mga taong dapat pagkatiwalaan natin ng ating buhay at kaligtasan?  Lubhang napapanahon ang hatol ng isang korte na habambuhay na pagkabilanggo na hindi maaaring bigyan ng parole sa isang pulis na pumatay ng dalawang kabataang iniugnay sa illegal na droga.  Ang isang kasabwat niyang pulis sa krimen ay namatay sa panahon ng paglilitis, kung saan napatunayan na pinatay nila nang walang awa ang dalawang kabataan na inosente sa kanilang paratang.

Ito ang ikalawang nahatulan sa madugong giyera laban sa illegal na droga sa panahon ni Presidente Duterte. Ayon sa opisyal na rekord, 6,000 ang napatay sa giyerang ito, bagamat sinasabi ng mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao na mahigit sa 30,000 ang napaslang. Doon na lang tayo sa 6,000 statistics, ilan kaya sa bilang na iyon ang biktima ng extra-judicial killings?  Ilan sa mga iyon ang inosente, ngunit pinatay ng mga pulis para lamang maabot ang diumano’y arawang “quota” para palabasing tagumpay ang giyera laban sa droga? Huwag na nating sabihing libo, kahit isang inosente lang ang pinaslang ay malaking batik na sa kabuoang imahen ng PNP.

Para sa mga naging biktima ng giyera laban sa droga, napakabagal ng pag-inog ng hustisya, at marami sa kanila ang naniniwala na walang naghihintay na hustisya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Kaya hindi natin masisisi ang marami na ibatay ang kanilang pag-asa sa gagawing paglilitis ng International Criminal Court sa giyera laban sa droga ni dating Presidente Duterte, na hindi naman pinapayagan ng kasalukuyang gobyerno.

Kailangang magkaroon ng totohanang paglilinis sa PNP, totohanan at hindi pang-press release lang, hindi pampapogi points lang. Ang totohanang paglilinis ay kinapapalooban ng totohanang pagbabago. Ang totohanang pagbabago ay kinapapalooban ng pagbabago ng takbo ng isip at laman ng puso.  Ganito ang sinasaad sa Roma 12:2, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.”

Kapag nangyari ito, ang PNP ay magiging PNP—Pinagkakatiwalaan Ng Publiko! Mangyari nawa sa lalong madaling panahon!

Show comments