Pulis nanakot ng 2 rider, arestado

Arrested stock photo.
Philstar.com / Jovannie Lambayan, file

MANILA, Philippines — Arestado ang isang pulis makaraang ireklamo ng isang Joyride rider at angkas nito ng pananakot kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Redrico Maranan ang  suspek na si PCpt. Elario Loyosen Wanawan, 46, nakatalaga sa District Mobile Force Battalion (DMFB), tubong Cagayan Valley at residente ng Lot1 Block 4, Villa Reform Phase 1, Barangay 167, Caloocan City.

Ayon kina Celso Aclan Banaira, 48, Joyride rider at angkas na si Patricia Tagorda Respall, 23, meat checker, nangyari ang insidente dakong alas-4 ng madaling araw  sa  Miller St., Brgy. Bungad, Quezon City.

Sa pagsisiyasat ni PMSG Guillermo P Esteban Jr. ng Masambong Police Station (PS-2, QCPD), lumilitaw na binabagtas ng dalawa ang Miller St. sakay ng Honda Click 160 (UNW 372) nang biglang harangin ng lasing na si Wanawan na sakay ng kanyang Yamaha SZ.

Pinababa ng pulis ang dalawa at inutusan si Banaira na buksan ang compartment ng kanilang motorsiklo na hindi sinunod ng huli.

Bunsod nito, nagalit ang pulis at sinabihan si Banaira ng “Babarilin kita, buksan mo yan!” habang nakahawak sa kanyang beywang na kinalalagyan ng baril.

Dahil sa takot, napilitan si Banaira na buksan ang compartment subalit hindi pa rin sila pinaalis ng pulis. Ilang motorista lamang ang nakapansin sa komosyon kaya nakahingi ng saklolo ang mga complainants sa barangay at pulisya.

Show comments