Belen, Solomon wala sa PVL Draft

NU star Bella Belen.
UAAP Media Bureau

MANILA, Philippines — Hindi kasama sina National University stars outside hitter Bella Belen at opposite spiker Alyssa Solomon sa opisyal na kalahok sa Premier Volleyball League (PVL) Rookie Draft.

Nakaabang ang lahat sa dalawang National University standouts matapos nitong tulungan ang Lady Bulldogs na maibalik sa kanilang teritoryo ang UAAP women’s volleyball crown.

Subalit sa inilabas na listahan ng PVL, wala sina Belen at Solomon sa mga nagsumite ng aplikasyon para sa kauna-unahang PVL Rookie Draft.

Kaya naman usap-usapan na ang pagbabalik nito sa Lady Bulldogs para depensahan ang kanilang korona sa UAAP Season 87 sa susunod na taon.

Si Belen ang itinanghal na UAAP Season 86 Most Valuable Player (MVP) habang nakuha naman ni Solomon ang Finals MVP sa katatapos na season.

Kasama sina Belen at Solomon sa national pool ng Alas Pilipinas na sasabak sa FIVB Challenger Cup.

Hindi nakapaglaro sina Belen at Solomon sa AVC Challenge Cup dahil nagpahinga ang mga ito matapos ang kampanya sa UAAP Season 86.  

Show comments