PH bets nagdagdag ng 2 ginto sa Thai meet

MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang kaban ng Team Philippines nang humataw pa ito ng dalawang gintong medalya sa Thailand Open Track and Field Championships na ginaganap sa Pathum Thani, Thailand.

Sa pagkakataong ito, bumanat sina Frederick Ramirez at Bernalyn Bejoy nang makasiguro ang mga ito ng tig-isang ginto sa kani-kanyang paboritong events.

Unang umariba si Ra­mirez nang mama­yagpag ito sa men’s 400m kung saan nakapagrehistro ito ng 46.58 segundo.

Nasiguro naman ng isa pang Pinoy na si Michael Del Prado ang 1-2 punch para sa Pilipinas nang ang­kinin nito ang pilak na medalya bunsod ng naitala nitong 46.82 segundo.

Nagkasya naman sa tanso si Muhammad Ramdhan ng Indonesia na may nilistang 47.43 segundo.

Hindi naman nagpa­kabog si Bejoy na uuwing may bitbit na gintong medalya makaraang pagreynahan nito ang women’s 800m event.

Kumana si Bejoy ng dalawang minuto at 13.31 segundo para ilampaso sina Thailand bets Ruedee Netthai na may 2:17.30 para sa pilak at Chanapa Boonitsarasaree na may 2:18.24 para sa tanso.

Sa kabuuan, may tatlong gintong medalya na ang Team Philippines sa naturang event.

Unang umariba ng ginto si Janry Ubas sa men’s long jump sa second day ng kumpetisyon bunsod ng naitala nitong 7.51 metro.

Show comments