Blu Boys kinapos sa Australia sa Softball World Series

MANILA, Philippines — Kinapos ang Philippine Blu Boys sa reigning world champion Australia, 4-5, sa 18th WBSC Men’s Softball World Cup group stage sa Estadio Mundialistas Hermosillense, Mexico.

Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng Blu Boys sa torneo matapos ang 2-5 pagyukod sa Dominican Republic sa una nilang laban.

Sa kabila ng pagkatalo ay pinuri pa rin ni Amateur Softball Association of the Philippines president Jean Henri Lhuillier ang tropa sa pagpapakita ng fighting spirit laban sa world titlist.

“It was tough, but the boys showed great heart and determination,” wika ni Lhuillier sa koponan.

“This tournament is far from over for us. We’re ready to bounce back and give it our all in the next games,” dagdag pa nito.

Ilang beses nagkaroon ng pagkakataon ang Cebuana Lhuillier, Jasper Cabrera-mentored batters na makagawa ng upset matapos magtala ng tatlong runs sa third inning para agawin ang 3-2 abante na hinawakan nila hanggang fifth inning.

Ngunit bumandera si James Todhunter para sa pagbangon ng mga Aussies tampok ang isang three-run barrage sa fifth frame patungo sa panalo.

Kasalukuyan pang nilalabanan ng Blu Boys ang Mexico habang isinusulat ito para sa tsansang makakuha ng World Cup slot.

Show comments