Pinoy spikers sasagupa sa mga Chinese sa AVC Cup for Men

Ang Alas Pilipinas na sasabak sa AVC Challenge Cup for Men sa Bahrain.
STAR/File

MANILA, Philippines — Kaagad makakasagupa ng Alas Pilipinas ang China sa paghataw ngayon ng 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Men sa Isa Town, Bahrain.

Babanderahan nina co-captains Marck Espejo, Jau Umandal at two-time UAAP MVP Josh Ybañez ang mga Pinoy Spikers sa nasabing torneo kung saan ang top team lamang sa bawat grupo ang papasok sa semifinal round.

Hangad ng national men’s team na maduplika o malampasan ang makasaysayang bronze medal-finish ng Alas Pilipinas women’s squad sa nakaraang AVC Challenge Cup for Women sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.

Sina Umandal, Espejo, Noel Kampton, Vince Patrick Lorenzo, Kim Mala­bunga at Lloyd Josafat ay miyembro ng national team na naglaro sa 2023 edition ng torneo at tumapos sa pang-10 posisyon.

Matapos ang China ay sunod na lalabanan ng Alas Pilipinas ni Brazilian coach Sergio Veloso ang Bahrain kinabukasan para sa pagtiklop ng pool play.

Kasama ng Pilipinas sa Pool A ang China at Bahrain habang nasa Pool B ang Thailand, Kazakhstan at Pakistan.

Ang Pool C ang binubuo ng South Korea, Indonesia at Qatar at nasa Pool D ang Vietnam, Australia at Chinese-Taipei.

Ang Thailand ang nagkampeon noong nakaraang taon kasunod ang Bahrain at South Korea.

Show comments